Marian takot maging kasosyo si Dingdong

Ayon kay Marian Rivera, ayaw niya raw makasama ang boyfriend na si Dingdong Dantes bilang co-producer ng isang pelikula.

“Ayoko po talaga. Okay na siguro ’yung may relationship kami, may kanya-kanya kaming soap ope­ra, may kanya-kanya kaming trabahong ginagawa. Siguro ’wag naman sa lahat ng bagay eh magka-share kaming dalawa kasi wala na kaming bagong mapag-uusapan kasi sa lahat ng aspeto, magkasama kaming dalawa.

“Siguro, maganda ’yung sa mga pagkakataong nagde-date kaming dalawa, meron akong hindi alam sa kanya at meron siyang hindi alam sa akin na mas magandang pag-usapan at doon lalalim ang aming usapan at lalo kaming mai-in love sa isa’t isa,” say ni Marian.

Co-producer ang aktres sa pelikula nila ni AiAi delas Alas at kung si Comedy Concert Queen ay ang talent fee niya ng kanyang share, si Marian ay nagdagdag pa bukod sa talent fee dahil mas malaki naman daw ang TF ni AiAi sa kanya.

Showing na ang Kung Fu Divas ngayong Oct. 2 mula sa direksiyon ni Onat Diaz.

Edu lumalaban na sa dalawang kalabang shows

Sa episode ng What’s Up, Doods? ng TV5 hos­t­ed by Edu Manzano noong Sabado ng gabi, nabu­king na bagets pala ang girlfriend ng father of Pinoy rock na si Pepe Smith — 23 years old. Kinausap ni Doods si Pepe sa segment na Life Begins tungkol sa kanyang karanasan sa indie film na Above the Clouds pero naungkat ang tungkol sa love life ng ama ng mga rakista.

Naging padrino naman si Edu sa segment na Got Your Back. Ginamit ni Doods ang kanyang kakaibang charisma para tulungan ang isang ina na magpaalam sa kanyang istriktang boss para mag-undertime at mag-attend sa parents’ meeting ng anak. Nagtagumpay ang magaling na TV host.

At meron ding comedy sketch at ipinaki­lala ang isang indie filmmaker na rejected sa isinasagawang CineFilipino. Parehong malakas ang aliw factor sa dalawang segment lalo na dun sa masama ang loob na filmmaker.

Praises and Bweets ang part ng programa na para naman sa netizens. Ipinakita ang isang litrato ng isang foreigner na nagpapakain sa may kapansanan.

Sa Bwitter naman, aliw ang tweet na “’Pag umuulan ba lumiliit ang kalsada?”

Eh kasi nga naman ’pag maulan nagta-traffic.

At interesting ang Brazilian Novela and Multo sa Balete from Happy Brownies.

Highlight ng programa si Sen. Grace Poe-Llamanzares na matagal na kinausap ni Edu. Ang light ng tsikahan nila. Maraming magagandang na-reveal. Like ang pantulog pala ng No. 1 senator ay mga malalaking campaign T-shirt ng dad niyang si FPJ noon.

At memoryado niya ang mga classic line ng kanyang daddy: “Kung kayo na lang ang magiging kaibigan ko, bibili na lang ako ng aso.”

At tumatakas din pala siya noon sa Mommy Susan Roces at Daddy FPJ niya noong kanyang kabataan. Pero clean fun naman. Kuwento niya kay Edu minsan ay nag-swimming siya sa bahay ng kaibigan eh katatapos lang niya ng chicken fox. Ang ginawa ng mommy niya, kina­usap ang parents ng kaibigan at pinagalitan. Eh presidente pala ng bangko ’yun.

Nakakaagaw si Edu ng audience sa dalawa niyang malakas na katapat na programa kahit pangalawang Sabado pa lang.

Show comments