7 opisyal ng ospital pinakakasuhan sa pekeng PhilHealth claims
MANILA, Philippines — Dahil sa umano’y pekeng mga claims sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay pinakakasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice ng kasong kriminal sa pitong opisyal at kawani ng Tricity Medical Center.
Kinilala ni NBI-Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor ang mga suspek na si Enrico C.Cruz, M.D., Hospital Administrator at miyembro ng Board of Directors ng Tricity Medical Center, na sina Dr. GJay Lalu Ordinal, Dr. Froilan Antonio De Leon at Dr. Lourdes Rhoda Reyes Padilla na pawang mga doktor ng Tricity Medical Center, Cherry Flores R.N ng hospital, Arlene Joy H.Sebuc, PhilHealth Staff ng Tricity Medical Center at Svend Agodilos Rances, hospital clerk.
Ayon kay Distor, nag-ugat ang reklamo sa intelligence information na natanggap ng NBI-Anti Graft Division (NBI-AGD) noong Enero 2020 kaugnay sa Tricity Medical Center, Inc. sa Pasig City na nagke-claim ng reinbursement mula sa PhilHealth para sa umano’y hemodialysis patients na patay na sa mga panahon ng umano’y hemodialysis treatment.
Sa isang taon na masusing imbestigasyon ng NBI-AGD, natuklasan na nasa 318 Fraudulent Claims na may kabuuang halaga na P824,200.00 na inihain ng Tricity Medical Center base sa naitalang petsa ng Hemodialysis Treatment matapos ang pagkamatay ng pasyente.
Malaki rin umano ang posibilidad na mas mataas at umabot sa P4.3 milyon ang nasingil ng pagamutan mula 2016-2019 base sa database ng PhilHealth.
Nitong Setyembre 20, inirekomenda ng NBI-AGD na sampahan ang pitong opisyal ng pagamutan sa DOJ ng Estafa.
- Latest