Adelaide 36ers coach Bruton tiwala sa kakayahan ni Kai Sotto
MANILA, Philippines — Buo ang tiwala ni bagong Adelaide 36ers coach CJ Bruton sa kakayahan ni Filipino teen sensation Kai Sotto na makapagpakitang-gilas agad sa kanyang inaabangang debut sa Australia National Basketball League (NBL) sa Disyembre.
Ayon kay Bruton, matagal na aniyang sinusu-baybayan ang 7-foot-3 wunderkind at sinabi niyang higante ang potensiyal ni Sotto na agad niyang maipapamalas sa pagbubukas ng NBL sa Disyembre 3.
“I can’t see why he won’t be able to make his mark this season,” ani Bruton na isa sa greatest NBL players matapos magwagi ng anim na kampeonato na siyang pinakamarami sa kasaysayan ng liga.
Bukod sa pagpapapirma kay Sotto bilang kauna-unahang Filipino player sa NBL ay si Bruton ang isa sa major offseason moves ng Adelaide matapos palitan si dating mentor Conner Henry noong nakaraang buwan.
Matapos ang makulay niyang playing career noong 2016 ay naging assistant coach si Bruton sa Brisbane Bullets, na aniya ay hinimok niya ring kunin na si Sotto matapos gumawa ng pangalan sa UAAP high school at sa FIBA youth competitions.
“We’ve got the blessing of having a young kid who has been put on my doorstep who I was pushing for when I was in Brisbane,” dagdag ni Bruton.
- Latest