May hiling si Hidilyn
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz ang sambayanan na maging inspirasyon para sa isa’t isa sa gitna ng kasalukuyang pandemya.
Ginawa ito ni Diaz sa paglulunsad ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa commemorative stamps bilang pagpupugay sa kanyang tagumpay sa Tokyo Games at nina silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam at bronze medalist Eumir Felix Marcial.
“Ngayong panahon ng pandemya kahit hindi tayo nagkikita-kita, ituloy natin ang pag-i-inspire o pagbibigay ng pag-asa,” sabi ng national lady weightlifter. “Kailangan nating tumuklas ng paraan para mas maging malikhain at maging mas malalim ang ugnayan natin.”
Itinatampok sa nasabing commemorative stamps ang winning moments ni Diaz sa women’s weightlifting at nina Petecio, Paalam at Marcial sa women’s featherweight, men’s flyweight at men’s middleweight sa boxing, ayon sa pagkakasunod.
“Sa panahon ngayon ng social media at internet, sana magkaroon pa rin tayo ng espasyo sa ugnayan katulad ng pagsusulat gamit ang stamp o selyo,” wika ng 30-anyos na si Diaz.
Pinasalamatan naman nina Petecio, Paalam at Marcial ang PHLPost.
- Latest