Gin Kings, E-Painters didikit sa semis
MANILA, Philippines — Pipilitin ng Barangay Ginebra at Rain or Shine na makadikit sa semifinals berth sa kani-kanilang crossover quarterfinal series sa Season 50 PBA Governors’ Cup.
Kapwa tangan ang 1-0 lead sa kanilang mga best-of-five showdown, lalabanan ng Gin Kings ang Beermen ngayong alas-5:15 ng hapon, habang haharapin ng Elasto Painters ang Converge FiberXers sa alas-7:30 ng gabi sa Game Two sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Nilasing ng Ginebra ang San Miguel sa Game One, 104-95, tampok ang kinamadang 29 points ni import Jordan Murphy.
“We’re up, but again we cannot rest on that. We know that they will come back strong and we have to be on our toes,” sabi ni Gin Kings chief assistant Richard del Rosario. “We have to be ready come Friday.”
Aminado naman si nine-time PBA MVP June Mar Fajardo na mahirap kalaban ang kanilang sister team.
“Panalo sila ngayon, so babawi kami. Paghahandaan namin nang husto. Mahirap ma-down ng two-zero sa series dahil best-of-five lang,” sabi ng 36-anyos na Cebuano giant.
Ang maitala rin ang 2-0 bentahe sa kanilang serye ang pakay ng Rain or Shine laban sa Converge matapos ang 124-120 pagtakas sa Game One.
Bumangon ang Elasto Painters mula sa isang 21-point deficit sa second quarter para resbakan ang FiberXers.
“Kaya pa ba naming gawin nang dalawang beses? Kasi hindi na ito ‘yung dating format... Now you really have to win in a series,” wika ni Rain or Shine coach Yeng Guiao sa Converge.
- Latest



















