Belen bida ulit sa back-to-back wins ng Capital1

MANILA, Philippines — Hinataw ng Capital1 Solar Energy ang kanilang back-to-back wins matapos talunin ang ZUS Coffee, 20-25, 25-17, 22-25, 25-20, 15-8, sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Muling nagposte si Bella Belen ng triple-double sa ikalawang sunod na pagkakataon sa tinapos na 29 points, 16 excellent digs at 15 excellent receptions para sa 2-1 baraha ng Solar Spikers.
Nagdagdag sina Vanie Gandler at Erika Santos ng tig-12 markers, habang may 23 excellent digs si rookie libero Detdet Pepito.
Ito ang ikalawang sunod na five-set win ng tropa ni Brazilian coach Jorge Souza de Brito matapos lusutan ang Akari Chargers.
“It’s good that our team is being exposed to these high-pressure moments this early on, especially this early on in our journey together as this core,” sabi ni Gandler.
Naglista si Zam Nolasco ng 15 points para sa ikalawang dikit na kabiguan ng Thunderbelles na nakahugot kay Jolina Dela Cruz ng 14 points at 15 excellent receptions.
Nagpalitan ng panalo ang dalawang koponan hanggang mauwi sa fifth set ang kanilang bakbakan.
Mula sa 6-6 pagkakadikit ay pumalo ang Capital1 ng isang 5-2 atake para agawin ang 11-8 bentahe patungo sa panalo.
- Latest






















