Team Philippines may bonus sa PSC

Pinamunuan nina POC president Abraham Tolentino, PSC chairman Patrick Gregorio at Sen. Bong Go ang send-off ceremony para sa Team Philippines na sasabak sa 20th Asian Games kahapon.

MANILA, Philippines — Tiyak na magiging ma­aga ang Pasko ng mga miyembro ng Team Philippines na sasabak sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.

Ito ay kung malalampasan ng mga national athletes ang nahakot na apat na gold medals sa nakaraang 2022 edition sa Hangzhou, China.

Inihayag kahapon ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick “Pato” Gregorio na bibigyan nila ng bonus ang buong delegasyon kung makakapag-uwi ng higit sa apat na gintong medalya sa Aichi-Nagoya Asiad na nakatakda sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.

Kasama rin sa bibigyan ng bonus ang mga Pinoy athletes na lalahok sa Asian Para Games.

“Let us all beat the four gold medals in the Asian Games. Let us win 10 more gold medals in Asian Para Games. Let us achieve more and when you come back, you’ll have a very good Christmas,” ani Gregorio sa official send-off para sa Team Philippines kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.

Humakot ang mga national para athletes ng 10 gold medals sa 2022 Hangzhou Asiad.

Magbibigay din ang PSC ng dagdag na P6,000 allowance sa dalawang delegasyon.

Kumpiyansa si Gregorio na kokolekta ng ginto sa Aichi-Nagoya Asiad sina 2024 Paris Olympics double-gold medalist Carlos Yulo sa gymnastics, tennis sensation Alex Eala, pole vaulter EJ Obiena at weightlifter Elreen Ando pati na ang mga national boxers at swimmers.

Isa si Obiena sa sumikwat ng ginto sa Hangzhou Asiad bukod kina Meggie Ochoa at Annie Ramirez sa women’s jiu-jitsu at ang Gilas Pilipinas men’s basketball team ni coach Tim Cone.

Samantala, hinirang ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino sina 2024 Paris Olympics bronze medalist Aira Villegas ng boxing at Albert Ian Delos Santos ng weightlifting bilang flag bearers ng Team Philippines sa opening ceremony ng Aichi-Nagoya Asiad sa Setyembre 19.

Show comments