Italy sinorpresa ng Gilas Women sa World Cup
MANILA, Philippines — Niyanig ng Gilas Pilipinas Women ang powerhouse at World No. 11 Italy, 17-13, sa FIBA 3x3 World Cup na ginanap sa Warsaw, Poland, Miyerkules ng gabi.
Hindi nasindak ang 17th-ranked Philippines sa bilis at liksi ng kanilang katunggali para ilista ang unang panalo sa apat na laro sa Pool C.
Unang panalo ng Gilas sa FIBA 3x3 World Cup kaya nakapagtala sila ng record matapos ang winless record nila sa 2018 edition na ang punong abala ay ang Pilipinas at nilaro ito sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Nanguna sa opensa si Camille Clarin na nagtala ng eight points, bumakas ang mga kakampi nitong sina Afril Bernardino na may apat na puntos, Mikka Cacho (3pts.) at Kacey dela Rosa (2pts.) para payukuin ang European powerhouse.
Kahit naghabol ay lumabas pa rin ang tikas ng Italy ng tapyasan nila sa dalawang puntos, 13-15 ang lamang ng Gilas subalit naging matatag si Clarin.
Tumipa si Clarin ng panelyong puntos upang pagapangin ang European squad kung saan ay may 23 segundo na lamang ang nalalabi sapat para ubusin ang oras at itakas ng Gilas ang panalo.
Luhod ang Gilas sa unang tatlong laro nila kontra Latvia, 14-11, Germany, 22-10, at China, 20-12, sa Pool C.
Nakabalik ang Gilas sa presitihiyosong 3x3 World Cup nang itarak ang 21-10 panalo laban sa Singapore noong April na qualifiers.
- Latest




















