‘Missing piece’ hanap ng Capital1 sa PVL Draft
MANILA, Philippines — Bagama’t posibleng hindi makuha si potential top overall pick Alyssa Solomon sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) Rookie Draft ay kumpiyansa pa rin si co-team owner Mandy Romero sa lakas ng kanyang Capital1 Solar Energy.
Dahil na rin ito sa naunang paghugot ng Solar Spikers kina free agents Vanie Gandler at Erika Santos na mga kamador ng Cignal Super Spikers.
“I think talagang meant to be na we’re entering this new year of Capital1 and we really hope that everyone joins us in all of our ride,” wika ni Romero matapos ang idinaos na PVL Draft Lottery noong Lunes.
Sina Gandler at Santos ang makakatuwang ni 2025 PVL No. 1 pick Bella Belen sa magiging kampanya ng Capital1 sa darating na 2026 PVL season.
“And again, as we’ve said earlier, we’re looking for that missing piece to bring that extra edge dito sa Capital1,” wika ni Romero sa kanilang kukunin.
Ang Galeries Tower ang nakakuha ng karapatan para sa No. 1 overall pick ng PVL Rookie Draft na nakatakda sa Hunyo 3 sa Novotel Manila Araneta City.
At inaasahang kukunin ng Highrisers ang 6-foot-1 opposite spiker na si Solomon.
“Super happy ako kasi alam mo ’yon, kami ’yung nabigyan ng chance na pumili na una sa draft pick,” ani Galeries Tower ace Jean Asis. “Kasi iba ‘yung feeling na kayo ‘yung nauuna eh, kasi may choice talaga kayo. Iyon, happy ako for the team.”
Matapos ang Galeries Tower ang Capital1 ang pipili sa No. 2 pick kasunod ang Choco Mucho (No. 3), ZUS Coffee (No. 4), Akari (No. 5), Nxled (No. 6), Farm Fresh (No. 6), PLDT (No. 7) at Creamline (No. 8).
Sasalang ang 42 aplikante sa Rookie Draft Combine sa Mayo 28 at 29 sa Gameville Ballpark sa Mandaluyong City.
- Latest






















