Foxies hiniya ng highrisers

MANILA, Philippines — Binuksan ng Galeries Tower ang kampanya sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour matapos talunin ang Farm Fresh, 25-17, 24-26, 25-19, 26-24, kahapon sa Batangas City Sports Coliseum.
Humataw si Erika Deloria ng 24 points mula sa 22 attacks at dalawang service aces para sa 1-0 record ng Highrisers na nakahugot kay veteran Aiza Maizo-Pontillas ng 13 markers.
“Sobrang nakakataba lang ng puso kasi siyempre, as we all know iyong Farm Fresh talaga one of the contenders din,” wika ni Deloria. “Feel namin iyong lahat ng pinaghirapan namin sa offseason nagbunga.”
Tumipa si setter Jules Coronel ng 21 excellent sets habang may pito si No. 1 overall pick Lams Lamina sa kanyang PVL debut.
Nagdagdag sina Jean Asis at Roselle Baliton ng tig-siyam na puntos kasunod ang tig-pitong marka nina Lycha Ebon at Jade Gentapa.
“Binilin ko nga sa mga players ko na dito namin ngayon masusubukan iyong mga skills na pinaghirapan namin bago mag-season,” sabi ni coach Aying Esteban.
Pinamunuan ni Royse Tubino ang Foxies sa kanyang 12 points at may 11 markers si Ara Galang.
Matapos makatabla ang Farm Fresh sa second set, 26-24, sa pamumuno nina Galang at Mylene Paat ay bumawi ang Galeries Tower at inagaw ang third frame, 25-19.
Sa fourth set, itinabla nina Ces Molina at Riri Meneses ang Foxies sa 24-24 bago iniskor nina Ebon at Baliton ang huling dalawang puntos ng laro para sa panalo ng Highrisers.
Samantala, posibleng imbitahan ng PVL ang Alas Pilipinas ni Japanese coach Taka Minowa para maging guest team sa darating na Invitational tournament sa susunod na buwan.
Ito ay para makatulong ang liga sa ginagawang preparasyon ng Nationals na sasabak sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa Setyembre.
Kasalukuyan nang nagsasanay ang Alas Pilipinas na kinabibilangan nina Bella Belen, Vanie Gandler at Erika Santos ng Capital1, Alyssa Solomon ng Strong Group Athletics at Eya Laure ng Choco Mucho.
- Latest




















