Suns lubog sa Heat

MIAMI — Bumanat si Bam Adebayo ng 29 points, kasama ang tatlong long jumpers sa huling minuto ng fourth quarter, habang may 27 markers si Norman Powell sa 127-121 pagsunog ng Heat sa Phoenix Suns.
Mayroon ngayong 9,461 points si Adebayo para agawin kay Alonzo Mourning (9,459 points) ang No. 2 spot sa ilalim ng franchise record ni Dwyane Wade (21,556 points).
Nagdagdag naman si shooting guard Tyler Herro ng 23 markers.
Isinalpak ni Powell ang isang three-pointer sa huling 48 segundo at ipinasok ni Andrew Wiggins ang dalawang free throws na sumelyo sa panalo ng Miami (21-19) at pigilin ang kanilang three-game losing slide.
Umiskor sina Dillon Brooks at Grayson Allen ng tig-25 para sa Phoenix (24-16) na nagtapos ang three-game winning streak.
Kumamada si Devin Booker ng 24 points, 9 rebounds at 9 assists at kumolekta si Mark Williams ng 18 points at 14 rebounds para sa Suns na nakabangon mula sa 20-point deficit para tumabla sa pagsasara ng third period, 92-92.
Ang triple ni Collin Gillespie sa 9:13 minuto ng fourth quarter ang nagbigay sa visiting team ng bentahe patungo sa pagtatala ng isang six-point lead.
Nagtuwang naman sina Adebayo at Powell para muling ibigay sa Heat ang kalamangan.
Sa iba pang laro, niresbakan ng defending NBA champion Oklahoma City Thunder ang San Antonio Spurs, 119-98; pinulutan ng Los Angeles Lakers ang Atlanta Hawks, 141-116; panalo ang Houston Rockets sa Chicago Bulls, 119-113; tinalo ng Denver Nuggets ang New Orleans Pelicans, 122-116; at wagi ang Minnesota Timberwolves ang Milwaukee Bucks, 139-106.
- Latest




















