MANILA, Philippines — Pamumunuan ni 2021 Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam ang isang four-man national boxing team na sasabak sa ikalawa at huling World Qualification Tournament para sa 2024 Paris Games.
Sasalang si Paalam kasama sina Rogen Ladon, Hergie Bacyadan at Criztian Pitt Laurente sa Olympic qualifying tournament simula ngayong araw sa Bangkok, Thailand.
Kabuuang 630 boxers sa buong mundo ang mag-aagawan sa natitirang 51 Olympic quota places para sa 13 weight divisions kung saan ang 23 dito ay para sa women at ang 28 ay para sa men division.
Muling lalaban si Paalam sa men’s 57-kilogram class matapos magkaroon ng shoulder injury sa unang OQT sa Busto Arsizio, Italy noong Marso.
Ito na ang pinakahuling tsansa ng 25-anyos na tubong Bukidnon para muling makalahok sa Olympics target ang kauna-unahang Olympic gold sa boxing event.
Kakampanya naman ang Olympian na si Ladon sa men’s 51kg habang lalahok si Bacyadan sa women’s 75kg at sasabak si Laurente sa men’s 63.5kg.
May tatlong Paris Olympic berths na ang national boxing team sa katauhan nina Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio, bronze medal winner Eumir Felix Marcial at Aira Villegas.
Magtutungo rin sa Paris Olympics sina pole vaulter EJ Obiena, gymnasts Caloy Yulo, Aleah Finnegan at Levi Ruivivar, fencer Sam Catantan, rower Joanie Delgaco at weightlifters Vanessa Sarno, Elreen Ando at John Ceniza.
Nakatakda ang Paris Olympics sa Hulyo 26 hanggang Agosto 11.