MANILA, Philippines — Isang panalo na lang ang kailangan ng San Mi-guel papasok sa pang-45 finals appearance at puntirya ang ika-30 korona.
Ito ay matapos lasingin ng Beermen ang Rain or Shine Elasto Painters, 117-107, sa Game Three ng Season 48 PBA Philippine Cup semifinal round kahapon sa Dasmariñas City Arena sa Cavite.
Itinagay ng San Miguel ang 3-0 lead para lumapit sa pag-sweep sa Rain or Shine sa kanilang best-of-seven semis series.
Kumolekta si CJ Perez ng 23 points at 14 rebounds.
Kung mayroon mang hindi nagustuhan si Elasto Painters coach Yeng Guiao, ito ay ang pagsalpak ni Terrence Romeo ng triple sa huling segundo ng laro kahit na naibulsa na ng Beermen ang panalo.
Sa pagtatapos ng laro ay pinagmumura ni Guiao si Romeo, tubong Imus, Cavite, at hindi rin kinamayan si SMB mentor Jorge Gallent.
“The boys were really composed, especially in the last five minutes of the game,” ani Gallent.
Lumaban nang husto ang Rain or Shine kung saan nila naitala ang 94-93 bentahe sa 9:30 minuto ng fourth period mula sa basket ni Shaun Ildefonso.
Muling napasakamay ng San Miguel ang manibela sa 109-102 galing sa tirada ni Romeo.
Huling nakadikit ang Elasto Painters sa 105-109 buhat sa triple ni Leonard Santillan sa 1:29 minuto ng labanan kasunod ang tres ni Lassiter sa natitirang 40.7 segundo para sa 112-105 abante ng Beermen.