UAAP crown ng NU resulta ng matinding sakripisyo

Gumawa ng kasaysayan si NU outside hitter Mhicaela Belen ng humakot ng 3 awards sa UAAP Season 84 women’s volleyball.
Russell Palma

MANILA, Philippines —  Anim na dekadang paghihintay ang pinagdaanan ng National University bago maibalik sa kanilang teritoryo ang kampeonato sa UAAP women’s volleyball.

Sa haba ng panahon, alam ng buong NU community na hindi ito madali.

Kaya naman labis labis ang kasiyahang nararamdaman ng Lady Bulldogs matapos ang dugo’t pawis na ibinuhos nito para maabot ang inaasam na tagumpay.

Nakumpleto ng Lady Bulldogs ang matikas na 16-0 sweep sa season para kubrahin ang ikatlong korona nito sa liga — ang unang titulo sapul noong 1957.

Pinataob ng NU ang De La Salle University, 2-0, sa best-of-three championship series.

Ang dating pangarap lamang ay naisakatuparan ng NU sa pamamagitan ng sipag at tiyaga kasabay ng malalim na paniniwalang kakayanin ito.

Bago pa man magsimula ang Season 84, nararamdaman na ni team captain Princess Robles na kaya ng kanilang tropa na ma-sweep ang torneo.

“Nung una palang kami nag-start, naisip na namin ni Jennifer (Nierva) and ni Ivy (Lacsina na kaya namin mag-sweep ngayong season,” ani Robles na siyang itinanghal na Finals MVP.

Subalit alam nito na hindi ito magiging madali.

Kaya naman one game at a time ang naging entrada ng Lady Bulldogs.

Maliban kay Robles, pangunahing sinandalan ng Lady Bulldogs si outside hitter Mhicaela Belen na humakot ng Rookie of the Year, Most Valuable Player at First Best Outside Hitter awards.

Nariyan pa si Best Opposite Hitter Alyssa Solomon, Second Best Middle Blocker Sheena Toring, Best Setter Camilla Lamina, Best Libero Jen Nierva at middle blocker Ivy Lacsina.

Show comments