Splash brothers bumida sa warriors vs pistons

Umasinta ng lay-up si Warriors guard Stephen Curry laban kay Pistons Isaiah Stewart.
STAR/ File

SAN FRANCISCO - Humataw si Klay Thompson ng 21 points  habang may 18 markers si Stephen Curry para banderahan ang Golden State Warriors sa 102-86 pagdurog sa Detroit Pistons.

Napanatili ng Warriors (32-12) ang pagiging No. 2 team sa NBA at sa Western Conference sa ilalim ng Phoenix Suns (34-9).

Sa likod nina Thompson at Curry ay isinalpak ng Gol­den State ang anim sa una nilang siyam na three-pointers para iwanan ang Detroit (10-33) sa first period, 33-22.

Mula sa 66-38 halftime lead ay hindi na nilingon pa ng Warriors ang Pistons.

Nag-ambag si Andrew Wiggins ng 19 points para sa Golden State na hindi nagamit si Draymond Green sa pang-limang sunod na laro dahil sa kanyang left calf injury.

Umiskor si reserve Rodney McGruder ng season-high 19 points sa panig ng Detroit.

Sa New York, kinumpleto ni center Karl-Anthony Towns ang isang three-point play sa huling 29 segundo para tulungan ang Minnesota Timberwolves (22-22) na itakas ang 112-110 tagumpay sa Knicks (22-23).

Tumapos si Towns na may 20 points para sa ikaanim na panalo ng Timberwolves sa huli nilang walong laro.

Ang ikatlong triple ni Kemba Walker ang nagbigay sa New York ng 107-102 abante sa huling 3:41 minuto ng fourth quarter bago makumpleto ni Towns ang kanyang 3-point play mula sa foul ni Julius Randle para sa 111-109 bentahe ng Minnesota.

Ang free throw ni Randle ang nagdikit sa Knicks sa 110-111 agwat kasunod ang split ni Patrick Beverley sa natitirang 19 segundo para itaas ang Timberwolves sa 112-110.

Show comments