Pagdanganan, Pagunsan kasama na ni Saso sa Tokyo
MANILA, Philippines — Ang opisyal na pahayag na lamang ng International Golf Federation (IGF) ang kailangan para tuluyan nang mabigyan ng tiket sina national golfers Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Juvic Pagunsan sa 2021 Olympic Games.
Ito ang pahayag kahapon ni National Golf Association of the Philippines (NGAP) secretary-general Bones Floro sa Philippine Sports Commission (PSC) Hour.
“By virtue of their ranks, eh shoe-in na iyan. For a few months na we’ve known already na pasok na iyan ang kailangan lang nila gawin during that period was to keep playing. Lalo na ngayon na nanalo pa (si Saso sa US Women’s Open),” ani Floro.
Kasalukuyang nasa No. 9 si Saso, ang unang golfer ng Pilipinas na nagwagi sa US Women’s Open at double gold medalist noong 2018 Asian Games, sa IGF Reallocation Reserve List (Women) at nasa No. 42 si Pagdanganan.
Nakapuwesto naman si Pagunsan, naghari sa nakaraang Mizuno Open sa Japan noong Mayo 30, sa No. 51 sa men’s division.
“We can safely say na pasok na pasok na. In fact nadagdagan pa tayo with the win of Juvic Pagunsan two weeks ago in Japan, eh na-sealed din niya iyong ranking niya,” sabi ni Floro.
Sa 2021 Olympics na idaraos sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Tokyo, Japan ay tig-60 golfers ang hahataw sa men’s at women’s division at nakatakda ang qualification deadline sa Hunyo 21 (men) at Hunyo 28 (women).
- Latest