Tolentino kumpiyansa sa tsansa ng mga Pinoy athletes sa Olympic gold
MANILA, Philippines — Naniniwala ang Philippine Olympic Committee (POC) na ito na ang pagkakataon para makamit ng bansa ang inaasam na kauna-unahang gold medal sa Olympic Games.
Ito ay sa kabila ng ilang panawagan na ipagpaliban muli ang Olympics na idaraos sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa Tokyo, Japan dahil sa paglobo ng kaso ng mga nagpopositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa nasabing bansa.
“Ito na iyong malaking chance natin na magka-first gold medal tayo sa Olympics, bakit naman ako aayon sa gusto na i-cancel?” ani POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino.
Kasalukuyang nasa state of emergency ang Tokyo at iba pang siyudad ng Japan dahil sa COVID-19 surge na inaasahang papalawigin hanggang Hunyo 20.
Sa inilabas na editorial ng Japanese newspaper na Asahi Shimbun ay hiniling nito kay Prime Minister Yoshihide Suga na “make a calm, objective assessment of the situation and make the decision to cancel this summer’s Olympics”.
Nakakuha na ng Olympic berth sina 2016 Rio de Janeiro Olympics silver medalist at weightlifter Hidilyn Diaz, gymnast Carlos Yulo, pole vaulter EJ Obiena, rower Cris Nievarez, taekwondo jin Kurt Barbosa at boxers Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam.
- Latest