Mitchell bumida sa Jazz vs Pelicans; James sinapawan si Antetokounmpo
SALT LAKE CITY — Kumamada si star guard Donovan Mitchell ng season-high 36 points para banderahan ang 129-118 pagresbak ng Utah Jazz kontra sa New Orleans Pelicans.
Ito ang pang-pitong sunod na ratsada ng Jazz para sa kanilang ika-11 panalo sa 15 laro kasabay ng pagpapatikim sa Pelicans ng pang-siyam nitong kabiguan sa 14 laban.
Nagdagdag si Mike Conley ng 20 points at may 19 markers si Fil-Am Jordan Clarkson para sa Utah na gumamit ng 21-2 atake sa third period patungo sa paggiba sa New Orleans.
Pinamunuan ni Zion Williamson ang Pelicans sa kanyang 27 points kasunod ang 23 markers ni Brandon Ingram.
Sa Milwaukee, nagpasabog si LeBron James ng season-high 34 points sa pagbubukas ng kanilang seven-game road trip para igiya ang nagdedepensang Los Angeles Lakers sa 113-106 paggupo sa Bucks.
Bumawi ang Los Angeles (12-4) mula sa 113-115 naunang pagkatalo sa Golden State Warriors noong Lunes.
Kumonekta ang Lakers ng 19-of-37 shooting sa three-point range kung saan nagsalpak si James ng anim na triples at may pito si Kentavious Caldwell-Pope na tumapos na may 23 points.
Nagdagdag si Anthony Davis ng 18 points, 9 rebounds at 6 assists habang may 12 markers si Montrezl Harrell.
Pinamunuan ni Giannis Antetokounmpo ang Bucks (9-6) sa kanyang 25 points at 12 rebounds.
Sa San Francisco, umiskor si RJ Barrett ng career-high 28 points para sa 119-104 paggupo ng New York Knicks (8-8) sa Warriors (8-7).
- Latest