^

PSN Palaro

PBA yearender: Matinding hamon sa 2020 nalampasan ng PBA

Russel Cadayona - Pilipino Star Ngayon
PBA yearender: Matinding hamon sa 2020 nalampasan ng PBA
Bubble Philippine Cup champion Barangay Ginebra
STAR/ File

Tatlong araw matapos buksan ang kanilang Season 45 noong Marso 8 kung saan tinalo ng five-time champions San Miguel ang Magnolia ay inihinto ng Philippine Basketball Association (PBA) ang pagdaraos ng 2020 Philippine Cup.

Ito ay dahil sa pagputok ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic sa buong mundo kung saan ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng iba’t ibang quarantine restrictions sa bansa.

Ipinagbawal din ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagdaraos ng mga training at scrimmages sa hanay ng mga players sa hangaring maiwasang maikalat ang COVID-19.

Dahil dito ay walang nakakaalam kung kailan muli magbabalik-aksyon ang mga players ng 12 PBA teams.

Para hindi tumaba ay ipinanukala ni PBA Commissioner Willie Marcial sa mga players na magpa­kondisyon sa kani-kanilang mga tahanan kasabay ng pagbabalangkas nila sa gagamiting health at safety protocols sakaling payagan sila ng IATF na magbalik-ensayo.

Matapos namang ma­panalisa ang gagamiting protocols, noong Hulyo 6 ay pinayagan ng IATF ang PBA na maisalang ang mga players sa practice bilang paghahanda sa posibleng pagpapatuloy ng 2020 Philippine Cup..

“Nagpapasalamat muna ako sa government, sa (Inter-Agency) Task Force na binigyan tayo ng pagkakataong mag-practice. Malaking bagay iyon,” wika ni Marcial.

Kasunod nito ay nagpatawag ng pulong si Marcial sa mga head coaches, team managers at players.

Noong Setyembre 17 ay nagdesisyon ang PBA Board of Governors na gawin ang PBA ‘bubble’ sa Clark Freeport Zone sa Pampanga na ibinase sa ginawa ng NBA sa Orlando, Florida.

Binigyan ng IATF ang liga ng provisional approval para makapagsagawa ng scrimmages at five-on-five games kasunod ang pagdating ng mga PBA teams sa Clark ‘bubble’ noong Setyembre 28 at 29 diretso sa Quest Hotel.

Inilabas ng PBA ang kumpletong eliminations schedule noong Oktubre 6 na sinundan ng muling pagbubukas ng 2020 Phi­lippine Cup makaraan ang limang araw.

Ang PBA restart season ay ginawa sa Angeles University Foundation Sports and Cultural Center sa Angeles, Pampanga,

Matapos naman ang 16 buwan na pagkakatengga ay inalis ng PBA ang ipinataw na indefinite suspension kay Phoenix star Calvin Abueva noong Nobyembre 24.

Sinibak ng Barangay Ginebra ang Meralco, 3-2 habang pinatalsik ng TNT ang Phoenix, 3-2, sa kani-kanilang best-of-five semifinals series para itakda ang best-of-seven titular showdown nila.

Tuluyan nang inangkin ng Gin Kings ang ika-13 korona at unang All-Filipino title matapos noong 2007 nang itiklop ang kanilang serye ng Tropang Giga sa Game Five, 82-78.

Hinirang si veteran point guard LA Tenorio bilang Finals Most Valuable Player.

vuukle comment

PBA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with