PBA balik-aksyon na sa Martes!
MANILA, Philippines — Nagbunyi ang buong basketball community dahil sa wakas magbabalik-aksyon na ang PBA Season 45 Philippine Cup sa Clark, Pampanga sa Martes matapos ang ilang araw na pahinga.
Muling masisilayan ang maiinit na bakbakan sa Philippine Cup ngunit magpapatupad ang liga ng bagong health protocols para masigurong ligtas ang lahat sa coronavirus disease (COVID-19).
“The Philippine Basketball Association (PBA) will resume its games on Tuesday, November 3. This is to ensure that the PBA complies with the protocols recommended by the IATF,” ayon sa statement ng PBA.
Magugunitang ipinatigil ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga laro noong Biyernes matapos ang dalawang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa isang Blackwater player at isang referee.
Kalaunan parehong nag-negatibo sa confirmatory test ang dalawang ito.
Tatlong puntos ang inilatag ng IATF bago magbalik-aksyon ang PBA.
“Completion of 10-day isolation of Blackwater player from the date of swabbing before resuming the games; Completion of 14-day quarantine and testing before entering the bubble for all those who will test positive moving forward,” ayon pa sa statement.
Bukod sa dalawang ito, nais ng IATF na magtala ng independent marshall na magbabantay kung tumutupad sa health at safety protocols ang mga nasa loob ng bubble.
Ito ay base sa rekomendasyon ng DILG.
Kailangan din na magkaroon ang PBA sa pakikipagtulungan sa Clark Development Corporation, ng temporary quarantine facility sa loob ng Clark Freeport Zone.
Pinayagan na rin ng PBA na muling makapag-ensayo ang mga koponan simula ngayong araw (Linggo).
- Latest