Ramirez inihahanda na ang mga atleta para sa ‘new normal’
MANILA, Philippines — Maagang sisimulan ng Philippine Sports Commission ang pagbabago sa training procedures ng mga national athletes at coaches.
Ito ay para umangkop sa ‘new normal’ na mangyayari matapos ang coronavirus disease (COVID-19) pandemic sa bansa.
Inatasan ni PSC chairman William “Butch” Ramirez si executive director Merly Ibay para pamunuan ang binuo niyang komite na maglalatag ng bagong training procedures para sa mga national athletes at coaches.
Maliban sa ekonomiya ay lubos ding naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang Philippine sports kung saan kinansela ng PSC ang lahat nilang events ngayong taon kagaya ng Philippine National Games, Batang Pinoy at National Sports Summit.
Sa ‘new normal’ ay patuloy na oobserbahan ang physical distancing, pagsusuot ng face mask at pagbabawal sa mga pagtitipon.
Dahil dito ay sinimulan ng PSC ang pagbili ng mga computers at gadgets para makatulong sa kanilang information technology department.
“It will all be virtual or online from hereon until a vaccine is found,” wika ni Ramirez.
Samantala, bibili rin ang sports agency ng mga personal protective equipment (PPE), mga face masks at disinfection supplies sakaling gawin nang General Community Quarantine ang Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region.
- Latest