Tiket sa Tokyo Olympics target ni Petecio sa China
MANILA, Philippines — Matapos sina gymnast Carlos Edriel Yulo at pole vaulter Ernest John Obiena, pipilitin naman ni Pinay boxer Nesthy Petecio na mag-qualify para sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Sasabak si Petecio sa itinakdang Olympic qualifying tournament sa Pebrero ng susunod na taon sa Wuhan, China.
Magbibigay ang International Olympic Committee, mamamahala sa boxing competitions imbes na ang international federation na AIBA, ng Olympic slots sa top three boxers sa bawat dibisyon.
At umaasa si Petecio na isa siya sa makakakuha nito.
“Kapag naka-bronze ka na po doon qualify ka na po (sa Tokyo Olympics),” wika ng 27-anyos na tubong Sta. Maria, Davao del Sur. “So malaki ang tsansa po natin.”
Sumuntok si Petecio ng gold medal sa women’s featherweight division ng katatapos na 2019 AIBA Women’s Boxing World Championship sa Ulan-Ude, Russia.
Ngunit ang nasabing World Championship ay hindi isang Olympic qualifying tournament.
“‘Iyon nga po nakakainggit kasi dapat nga itong world namin qualifying na rin po ito pero biglang nagbago po ‘yung sa AIBA rules po,” wika ni Petecio.
Nakatakdang magtungo ang national boxing men’s at women’s team sa Queensland, Australia ngayong buwan para magsanay bilang paghahanda sa 30th Southeast Asian Games.
- Latest