Lyceum, Letran sa semis
MANILA, Philippines — Nagtagumpay ang Lyceum Pirates sa pagsungkit sa ikalawang semis slot at twice-to-beat bentahe matapos muling pataubin ang JRU Heavy Bombers, 77-64 habang muling inilampaso ng Letran Knights ang Perpetual Help Altas, 88-69 upang pumasok sa Final Four kahapon sa pagpapatuloy ng Season 95 NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Umarangkada si Jaycee Marcelino ng 23 puntos at limang rebounds at 15 puntos, sampung rebounds at dalawang blocks naman mula kay Mike Nzeusseu upang iangat ang Pirates sa 13-4 kartada at masiguro ang ikalawang puwesto sa likuran ng San Beda Red Lions (17-0) pagkatapos ng elimination round.
Umiskor din ng 10 puntos si Toci Tansingco, anim nito mula sa three-point area para sa kanilang paghahanda na rin sa hu-ling laro kontra sa Red Lions sa Huwebes kung saan susubukan ng Lyceum na pigilan ang asam na sweep ng Mendiola-based team.
“It’s gonna be big big win for us to create momentum as we go to the stretch, kumbaga home stretch na ito ng season. Every opportunity for us to really learn and grow is gonna be big for us,” ayon kay Lyceum coach Topex Robinson.
Sa unang laro, umani si Jerrick Balanza ng 18 puntos bago ang kanyang pang-limang foul sa huling minuto ng ika-apat na yugto habang humataw si Christian Balagazay ng 5-of-5 shooting sa field goal para sa kabuuang 18 puntos upang itakas ang ikatlong semifinal berth sa kanilang 11-6 win-loss kartada.
Patuloy namang pag-aagawan ng San Sebastian Stags (9-7), Mapua Cardinals (8-8) at St. Benilde Blazers (7-9) ang huling Final Flor slot.
- Latest