Romasanta kinikilala si Cayetano sa ad hoc
MANILA, Philippines — Ipinahayag ng Philippine Olympic Committee kahapon na kinikilala nila si Taguig Congressman-elect Alan Peter Cayetano bilang chairman ng ad hoc committee para sa hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre 30 hanggang sa Disyembre 11.
Sinabi ni POC president Joey Romasanta na si Cayetano pa rin ang mamumuno sa Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) bunga ng kanyang appointment mula kay dating POC chief Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. noong 2017.
Muli namang iginiit ni Romasanta na ang Phisgoc na nasa ilalim ng POC rules and regulation ang kanilang kinikilala at hindi ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) Foundation, Inc. na rehistrado sa Security and Exchange Commission (SEC).
Kabilang sa mga incorporators ng Phisgoc Foundation ay sina Ramon Suzara, Donaldo Caringal, Dexter Estacio, Monica Anne Mitra, dating POC president Ricky Vargas, POC secretary general Patrick Gregorio, POC communications director Ed Picson at dating POC chairman Tom Carrasco.
Hindi kasama sa mga incorporators ng Phisgoc Foundation si Cayetano, ngunit sa press conference noong Huwebes ay dinepensahan nito ang pagrehistro sa SEC bilang isang foundation para magkaroon ng legal entity at puwedeng tumanggap ng pondo mula sa gobiyerno.
Inakusahan ni Romasanta ang Phisgoc Foundation na gumagawa ng mga desisyon na walang approval sa POC.
- Latest