Gold kay Gabuco
MANILA, Philippines — Nasungkit ni dating world champion Josie Gabuco ang bukod-tanging gintong medalya ng Pilipinas sa 2019 Asian Boxing Elite Championships na ginaganap sa Huamark Indoor Stadium sa Bangkok, Thailand.
Naitala ni Gabuco ang split decision win kontra kay Kim Hyang Mi ng North Korea sa gold-medal match para pagreynahan ang women’s light flyweight category sa torneong inorganisa ng Asian Boxing Confederation.
Sa kabila ng mas matangkad na karibal, nagawang manalo ni Gabuco kung saan ibinuhos nito ang malalim na karanasan para maikonekta ang ilang solidong suntok partikular na sa unang dalawang yugto ng laban.
Tuluyan nang dinomina ni Gabuco ang third round matapos pakawalan ang sunud-sunod na kumbinasyon para pigilan ang anumang pagtatangkang inilatag ng North Korean fighter.
Bigo namang sundan ni reigning Southeast Asian Games champion John Marvin ang tagumpay ni Gabuco nang magkasya ito sa pilak na medalya sa men’s light heavyweight division.
Nagtamo si Marvin ng unanimous decision loss kay Bek Nurmaganbet ng Kazakhstan sa championship round. Nakapasok sa finals si Marvin nang igupo nito si Shinebayar Narmandakh ng Mongolia via split decision sa semis noong Huwebes ng gabi.
- Latest