Warriors lider uli sa West
MINNEAPOLIS — Mabilis na nakabangon ang Golden State Warriors para muling angkinin ang top spot sa Western Conference.
Iniskor ni Stephen Curry ang 22 sa kanyang 36 points sa third quarter at nagdagdag si Klay Thompson ng 28 points para akayin ang Warriors sa 117-107 pagpapabagsak sa Minnesota Timberwolves.
Nag-ambag sina Jonas Jerebko at Kevin Durant ng 18 at 17 points, ayon sa pagkakasunod at kumolekta si Draymond Green ng 10 rebounds at 9 assists para sa pagbangon ng Warriors mula sa naunang kabiguan sa San Antonio Spurs noong Lunes.
Binanderahan naman ni Karl-Anthony Towns ang Timberwolves mula sa kanyang 26 points at 21 rebounds.
Si Josh Okogie ay umiskor ng 19 points para sa Minnesota, naglaro na wala sina injured Jeff Teague, Derrick Rose, Robert Covington at Luol Deng.
Sa Milwaukee, humataw si Khris Middleton ng 30 points at nagdagdag si Brook Lopez ng 28 markers para ihatid sa 115-101 panalo ang Bucks laban sa Los Angeles Lakers.
Naglaro ang Milwaukee na wala si Giannis Antetokounmpo, may injured ankle at naupo naman sa bench si LeBron James sa panig ng Los Angeles dahil sa sore groin.
Umiskor si Nikola Mirotic ng 23 points para sa Bucks na may NBA-best na 53-18 record.
Sa Charlotte, nagsalpak si Ben Simmons ng 28 points at humakot si guard JJ Redick ng 27 points, 10 rebounds at 8 assists para tulungan ang Philadelphia 76ers sa 118-114 pananaig sa Hornets.
Ito ang pang-limang sunod na ratsada ng Philadelphia.
- Latest