^

PSN Palaro

Tropa ni Guiao dumating na, sabak agad sa training

Russell Cadayona - Pilipino Star Ngayon
Tropa ni Guiao  dumating na, sabak agad sa training
Ang mga miyembro ng Team Pilipinas habang hinihintay ang kanilang mga bagahe matapos dumating sa Manila kahapon ng umaga mula sa Iran.
(@ESPN5)

MANILA, Philippines — Matapos ang kalahating araw na pagkakaantala ng kanilang flight mula sa Dubai ay nakabalik na ng bansa ang Team Pilipinas kahapon ng umaga.

Kaagad nagtakda ng ensayo si head coach Yeng Guiao kinahapunan para paghandaan ang bisitang Qatar sa fourth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers bukas ng alas-7:30 ng gabi sa isang closed-door game sa Smart Araneta Coliseum.

Mula sa airport ay dumiretso at nagpahinga ang Nationals sa Novotel Hotel na malapit sa Big Dome at ngayon ay muling mag-eensayo bilang huling preparasyon sa mga Qataris.

“These are the realities in representing the national team. You may be tired but you still have to go full speed,” sabi ni Ryan Gregorio, ang assistant coach ni Guiao at special assistant ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Al Pan­lilio.

Nagmula ang Team Pilipinas sa 73-81 kabiguan sa Iran noong Huwebes sa Tehran at kinabukasan ay kaagad nagpa-book ng flight pauwi ng Pilipinas.

Ngunit dahil sa pagragasa ng bagyong 'Ompong’ ay 12 oras na-delay ang kanilang flight at kinaila­ngang manatili sa kalapit na Copthorne Airport Hotel.

Matapos ang kanilang ensayo ngayong hapon sa Meralco Gym ay inaasahang papangalanan ni Guiao ang kanyang Final 12 na isasagupa sa Qatar.

Maaari nang makapag­laro para sa Nationals sina 6-foot-8 Japeth Aguilar at shooter Matthew Wright matapos isilbi ang one-game suspension ng FIBA dahil sa 'basketbrawl' sa Australia noong Hulyo 2 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Ang closed-door game laban sa mga Qataris ay bahagi ng parusa ng FIBA sa SBP.

Nananatili sa ikatlong puwesto ang Pilipinas sa pinagsamang Group F sa kanilang bitbit na 4-3 record sa itaas ng Iran (6-1) at Australia (6-1) kasunod ang Japan (3-4), Kazakhstan (3-4) at Qatar (2-5).

Inilampaso ng mga Aussies ang Qataris, 95-43, noong Huwebes.

vuukle comment

YENG GUIAO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with