Oranza hari ng Ronda Pilipinas
MANILA, Philippines — Kagaya ng dapat asahan, napasakamay na ni Ronald Oranza ng Navy-Standard Insurance ang pinapangarap niyang titulo.
Sumegunda si Oranza sa Stage 12 criterium sa likod ni Navy teammate Jan Paul Morales sa pagtiklop ng Ronda Pilipinas 2018 na inihahandog ng LBC kahapon sa Filinvest, Alabang.
“Wala akong masabi, sobrang saya ko lang talaga,” wika ni Oranza, hindi nakalahok noong 2017 Ronda dahil sa kanyang paglalaro para sa national team, sa pag-angkin niya sa Ronda crown.
Parehong nagposte sina Oranza at Morales ng magkatulad na tiyempong isang oras, 28 minuto at 15 segundo.
Tinapos ng 25-anyos na siklista ang karera sa kanyang total aggregate time na 34:11:23 kasunod si Morales, ang 2015 at 2016 winner, sa itinalang 34:22:56.
Nakamit ng tubong Villasis, Pangasinan ang premyong P1 milyon at P300,000 halaga ng Boy Kanin franchise para makasama sa grupo nina Morales, Santy Barnachea ng Team Franzia, Irish Valenzuela ng CCN Superteam, Mac Galedo at Reimon Lapaza bilang mga Ronda champions.
Nagtala si Oranza ng siyam na podium finish tampok ang mga lap victories sa Vigan Stage Once criterium, Vigan-Pagudpud Stage Two at Tarlac Stage Seven Individual Time Trial.
Balak ni Oranza na bumili ng lupa at pakasalan ang kanyang nobyang si Maribel Marzan, ang ina ng kanyang 14-buwang gulang na anak na si Ronald Jr.
Pumuwesto sa No. 3 si Navyman Junrey Navara sa kanyang oras na 34:33:06 na tinampukan ng ikaapat niyang CCN King of the Mountain trophy habang hinirang si Morales bilang Petron Sprint King.
Tumapos si Go for Gold star George Oconer sa No. 4 mula sa kanyang tiyempong 34:38:15 kasunod sina No. 5 Jhon Mark Camingao (34:39:30) ng Navy, No. 6 Cris Joven (34:41:21) ng Army-Bicycology, No. 7 Boots Ryan Cayubit (34:43:50) ng Go for Gold, No. 8 El Joshua Carino (34:45:32) ng Navy, No. 9 Jay Lampawog (34:48:03) ng Go for Gold Developmental team at No. 10 Rudy Roque (34:49:52) ng Navy.
Wala namang umabot sa mga Navymen ang Versa team race sa ipinosteng 135:13:47 kasunod ang Army-Bicycology, sinuportahan ni dating PSC chairman at Games and Amusement Board chair Eric Buhain, na nagtala ng 136:56:19 sa itaas ng Go for Gold Developmental team (136:59:26).
Ang tanging award na nakawala sa Navy ay ang MVP Sports Foundation Young Rider honor na sinikwat ni Go for Gold Developmental team bet Jay Lampawog.
- Latest