FEU-NRMF lusot sa 2-OT
MANILA, Philippines - Dumaan sa dalawang overtime ang FEU-NRMF bago nailusot ang 106-100 panalo laban sa Cars Unlimited at manatiling walang talo sa 4th DELeague Invitational basketball tournament nitong Sabado ng gabi sa Marikina Sports Center.
Itinabla sa huling pagkakataon ni Jopet Quiro ng Cars Unlimited ang iskor sa 96-all, may 2:41 pa ang natitira sa ikalawang overtime pero umararo ng anim na sunod ang FEU-NRMF para makuha ang 102-96 kalamangan, may 1:29 na lang ang nalalabi
Sina Edwin Asoro, Devon Sullivan at Anthony Hargrove ay umiskor ng tig-20 puntos para tumabla ang FEU-NRMF sa Siargao Legends (2-0) para sa pangunguna sa Group B.
Tinambakan ng nagdedepensang kampeong Hobe Bihon-JVS ang Philippine National Police, 96-69, sa isa pang laro
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Hobe Bihon-JVS sa ligang itinataguyod ni Marikina Mayor Del De Guzman at sinusuportahan ng PCA Marivalley, St. Anthony Hospital, PS Bank Blue Wave Marquinton Branch, Luyong Restaurant Concepcion, Mckie’s Equipment Sales and Rental, at Tutor 911.
Sa iba pang laro, tinalo ng Sta.Lucia Land Inc. ang Supremo Lex Builders-OLFU, 85-71, at naungusan ng Team Mercenary ang MBL Selection ng Marist School, 61-59.
- Latest