Season 75 UAAP beach volley, badminton hahataw sa Sabado

MANILA, Philippines - Bubuksan ng Ateneo at University of the East ang kani-kanilang kampanya sa pagpapanatili ng men’s at women’s badminton crown sa pagsisimula ng Season 75 badminton at beach volley competitions sa magkahiwalay na ve­nues sa Sabado.

Ang mga laro ng badminton ay idaraos sa Rizal Memorial Badminton Hall.

Itataya ng University of Santo Tomas at Far Eastern University ang kanilang women’s at men’s title si­mula sa Agosto 25 sa beach volleyball event na lalaruin sa UE Caloocan sand court.

Trinangkuhan ni Toby Gadi, nadagit ng Eagles ang men’s badminton crown nang igupo si Jofer Escueta na bumandera sa National University sa championship match noong nakaraang taon.

Isinubi naman ng Lady Warriors ang korona sa pangunguna ng kanilang MVP na si Fatima Cruz ma­karaang manaig sa Lady Eagles sa finals.

Magiging punong abala ang NU sa badminton competition sa ikalawang sunod na season.

Sumandig naman ang Tigresses kina Maru Banaticla at Judy Caballero sa pagsikwat ng Season 74 title nang talunin ang pares nina Lady Eagles Alyssa Valdez at Bea Tan sa three finals games.

Kinuha naman ng Tams ang men’s beach volley crown sa paggupo sa Growling Tigers sa finals.

Ang UE ang host ng beach volley event.

Show comments