Buwenamano kay Orcollo

MANILA, Philippines - Dumaan man sa butas ng karayom ay nalusutan ni Dennis Orcollo ang mahi­rap na laban nila ni Edgar Acaba para pangunahan ang mga umabante sa unang araw ng 2011 BSCP National Pool Championships sa Star Billiards Center sa Quezon City.

Si Orcollo na number one uli sa hanay ng mga pool players base sa World Pool Association (WPA), ay nangailangan ng su­wer-te sa 15th at huling rack sa laban at maitakas ang 8-7 panalo.

Tabla sa 7-all, pero sar-go si Acaba at scratch ang cue-ball para makatira si Orcollo tungo sa run-out.

“Struggling ako sa buong laro kaya sinu­werte lang ako rito,” wika ni Orcollo, ang World 8-Ball champion at sariwa sa pagkapanalo sa Predator 10-Ball Championship.

Umabante rin sina Jeff De Luna, Carlo Biado at dating national junior champion Renemar David tuluyan namang nasibak ang beteranong si Ramil Gallego.

Kinalos ni De Luna si Mario Tolentino, 8-3; si Biado ay nangibabaw kay John Salazar, 8-7; habang 8-7 panalo rin ang naiukit ni David kay dating world pool runner-up Roberto Gomez.

Sina Acaba, Tolentino, Salazar at Gomez ay nalag­lag naman sa loser’s group.

Tuluyan namang na­ma­hinga na sina Ramil Gal­lego at Jonas Magpan­tay nang lasapin ang ikalawang talo sa torneong ito.

Show comments