MANILA, Philippines - Sisimulan ni Dennis Orcollo ang pagdepensa sa hawak na World Pool Masters title sa pagharap kay Tony Drago ng Malta sa pagbubukas ng aksyon ng tatlong araw na torneo ngayon sa SM City North Edsa Mall sa Quezon City.
“Maganda ang pakiramdam ko dahil ang mga past tournaments na sinalihan ko ay lagi akong nasa semifinals,” wika ni Orcollo sa isinagawang press conference kahapon sa Gumbo restaurant sa loob ng SM North.
Sina Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante at Lee Van Corteza ang iba pang mga Filipino cue-artist na kasali sa torneo na kinatatampukan ng 16 na mahuhusay na pool players na magtatagisan para sa $20,000 unang gantimpala mula sa $66,000 kabuuang premyo.
Sa ganap na alas-12 ng tanghali itinakda ang tagisan nina Orcollo at Drago sa race to eight format.
Masusukat naman si Bustamante kay Jason Klatt ng Canada habang si Dutch Huidji See ay kalaban ni Corteza at ang dalawang larong ito ay itinakda ganap na alas-6 ng gabi.
Magiging espesyal na manonood sa laro ni Bustamante si Mexican boxing icon Juan Manuel Marquez na bibisita sa torneong ipalalabas naman ng Solar Sports.
Ang iba pang naka-iskedul na laro ngayon ay sa pagitan nina Chang Jung-lin ng Chinese Taipei at Shane Van Boening ng US sa alas-12 ng tanghali; Chris Melling ng England laban kay Fu Jian-bo ng China at Japan Akagariyama kontra kay Raj Hundal ng India na parehong gagawin dakong alas-3 ng hapon.