Marquez sumalang agad sa ensayo

MANILA, Philippines - Bagamat ilang oras lamang matapos lumapag ang sinakyang Philippine Airlines PR 103 flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ay agad na nag-jogging si Juan Manuel Marquez sa Quirino Grandstand sa Luneta Park.

Ayon kay Marquez, gusto niyang maging matikas sa kanilang paghaharap ng 32-anyos na si Pacquiao, ang tanging Asian boxer na nagkampeon sa walong magkakaibang weight divisions.

Nasa bansa ang Me­xican world lightweight champion para sa pagsisi­mula ng kanilang four-city World Press Tour ni Pacquiao.

“We’re friends outside the ring; inside the ring he’s a great fighter,” sabi ni Marquez kay Pacquiao na kanyang muling makakatapat sa pangatlong pagka­kataon sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Idedepensa ni Pac­quiao, may 53-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, ang kanyang hawak na WBO welterweight crown kontra kay Juan Manuel Marquez (53-5-1, 39 KOs).

Nakatakdang simulan nina Pacquiao at Marquez ang kanilang four-city inter­national press tour sa Setyembre 3 sa Quirino Grandstand sa Luneta Park kasama si Bob Arum ng Top Rank Promotions.

Mula sa Quirino Grandstand, bibiyahe sina Pacquiao at Marquez sa Setyembre 6 sa Chelsea Piers sa Pier 60 sa New York City bago isunod ang Beverly Hills sa Setyembre 7.

Magwawakas ang press tour sa México City sa Setyembre 8.

Sa kanilang unang pag­haharap noong Mayo ng 2004, isang draw ang inilusot ni Marquez sa kabila ng tatlong beses na pagbagsak sa first round, habang inagaw naman ni Pacquiao ang dating suot na WBC super featherweight belt ng Mexican sa kanilang rematch noong Hulyo ng 2008 via split decision.

Sina Marquez at Arum ay pansamantalang manunuluyan sa Manila Hotel para sa pagsisimula ng World Press Tour sa Setyembre 3 kung saan halos 10,000 boxing fans ang inaasahang dadagsa.

Show comments