MANILA, Philippines - Sino ang mag-aakala na ang isang anak ng magsasaka na unang tumakbo sa isang 5-kilometer race sa Davao qualifying leg ng Milo Marathon isang dekada na ang nakararaan ang patuloy na katatakutan sa naturang long distance race.
Idinagdag ni Jho-An Banayag sa kanyang koleksyon ng mga medalya ang Metro Manila leg ng 35th National MILO Marathon na sinalihan ng 33,700 partisipante kahapon sa SM Mall of Asia grounds sa Pasay City.
Sa gitna ng malakas na bugso ng ulan, malubak na mga kalsada, malamig na simoy ng hangin at paghahamon ng dalawang Kenyans, itinala ng 29-anyos na tubong Maragusan, Compostela Valley ang bilis na dalawang oras, 53 minuto at 37 segundo upang pagreynahan ang women’s 42.195-kilometer race.
Nakamit ng Private First Class ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang premyong P50,000 at ang karapatang makasali sa Milo National Finals sa Disyembre sa Quirino Grandstand sa Luneta Park.
“Mahirap tumakbo kasi malakas ang ulan, malamig pa,” sabi ni Banayag, nagreyna sa Milo National Finals noong 2005 at 2009. “Iyong sapatos ko lumulubog sa mga butas na parte ng kalsada, kaya ang hirap itakbo. Pero siyempre, hindi mo na iintindihin ‘yon kasi gusto mong manalo eh.””
Iniwanan ni Banayag sina Mary Grace Delos Santos (2:55:10) at Aileen Tolentino ( 3:11:32) na tumanggap ng P30,000 at P20,000, ayon sa pagkakasunod.
Nagtapos naman ang mga Kenyan runners na sina Susan Jemutai (3:11:43) at Peris Poywo (3:48:29) bilang pang apat a pang pitong puwesto.
Matapos ungusan si Jemutai sa unang 15 kilometro ng karera ay iniwanan naman ng 5-foo-t1 na si Banayag sina Delos Santos at Tolentino sa huling 18 kilometro sa pagsapit sa The Fort.
At kagaya ng kanyang mga nakamit na premyo, ang P50,000 ay kanyang ilalagay sa bangko para makatulong sa kanyang pamilya.
“Itong premyo ko ilalagay ko sa bangko para makatulong sa pamilya ko. May ilalaan rin naman ako sa sarili ko para sa training ko,” ani Banayag, ang gold medalist sa 10,000m run sa nakaraang 2011 PSC-POC Philippine National Games na idinaos sa Bacolod City.
Kabilang sa mga karerang kanyang ipinanalo simula noong Enero ay ang Pharmatakbo Marathon, 1st Stag Run 2011, Greentennial Run, Run for the Dolphins, Last Man Running, Run With the Heroes, Philippine Daily Inquirer Run, Run For Life, DZMM Takbo Para sa Kalikasan, 2011 Sang Takbo, Globe Runat ang Run With the Masters.
Ang Metro Manila leg ng Milo Marathon ay gagamitin rin ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) bilang qualifying para sa pagkakabilang kina Banayag ay Delos Santos sa national team na isasabak sa 26th Southeast Asian Games sa Nobyembre sa Indonesia.
Kaya naman umaasa si Banayag, ang gold medal winner sa 2009 SEA Games sa Laos, na muli siyang mapapabilang sa national squad na ipapadala sa Indonesia.
“Kapag below three hours ang time namin, pasok daw kami sa national team,” wika ni Banayag. “Sana nga makasama ulit kami sa national team kasi ‘yun rin ang pangarap ko sa career ko eh.”
Matatandaang tinanggal ng PATAFA sa national pool si Banayag, kasama si Eduardo Buenavista, makaraang sumali nang walang paalam sa 2010 Camsur International Marathon.
Si Banayag, nagtapos ng kursong Commerce Management sa University of Mindanao, ay naglista ng 2:58:36 sa naturang karera para tumapos bilang ikaanim sa gitna ng dominasyon ng mga Kenyans.
Hindi pinalahok ng PATAFA sina Banayag at Buenavista sa 2010 Asian Games sa Guangzhou, China.
Sa men’s division, nanguna si Kenyan James Tallam mula sa kanyang oras na 2:28:42 para talunin sina Eric Panique (2:31:16) at Irineo Raquim (2:32:26).
Kinuha ni Tallam ang premyong P50,000.
Sa 21K event, ibinandera nina Nnelson Eligeran (1:19:16) at Nhea Ann Barcena (1:33:49) ang men’s at women’s division para sa premyong P10,000.
Inangkin naman nina Milbert Nabuab (0:36:26) at Mars Devera (0:44:26) ang tig-P5,000 sa men’s at women’s 10K event.