MANILA, Philippines - Muling makakatambal ng GMA Network ang veteran mountaineer na si Romi Garduce para sa makasaysayang pagtatayo ng watawat ng Pilipinas sa tuktok ng huling dalawang bundok na kukumpleto sa Seven Summits record na tinitingala sa mundo ng mountaineering.
Sa ‘Seven Summits Expedition of 2011’ ng GMA, matutunghayan ang pag-akyat ni Garduce sa dalawang huling bundok na kukumpleto sa prestihiyosong Seven Summits record ng mountaineering.
Sa mga nakalipas na taon, naabot na niya ang tuktok ng anim na tanyag na bundok.
Ito ay ang mga Mt. Kilimanjaro sa Africa (2002), Mt. Aconcagua sa South America (2005), Mt. Everest sa kontinente ng Asya (2006), Mt. Elbrus sa Europa (2007), Denali Peak sa North America (2008) at ang Mt. Kosciuszko sa Australia (Disyembre ng 2008).
Dalawang bundok na lamg ang kanyang aakyatin. Ito ay ang Carstenz Pyramid ng Indonesia at ang Vinson Massif ng Antarctica at si Garduce ang magiging kaisa-isang Pinoy na nakaakyat sa pinakamatataas na bundok sa pitong kontinente sa mundo, hindi lang sa ‘Bass List’ kundi maging sa ‘Messner List’.
Ngayong Hulyo, aakyatin ni Garduce ang Carstenz Pyramid sa Indonesia na may taas na 16,023 feet.
Bagamat naakyat na ni Garduce ang anim sa pitong pinakamatataas na bundok ng mundo, kontrobersyal ang pagbilang ng pag-akyat niya sa Kosciuszko sa Seven Summit List.
Ayon kasi sa ilang professional mountaineers, madali lamang itong akyatin kumpara sa iba. Kaya mas kinikilala nila ang Carstenz Pyramid bilang pinakamataas sa Australasia/Oceania region.
Mapapanood ang pag-akyat ni Garduce sa Carstenz Pyramid sa GMA at sa GMA News TV Channel 11.