Saludar brothers tumiyak ng bronze

GUIYANG, China--Lumabas ang husay nina Rey at Victorio Saludar nang manalo sa kanilang unang laban sa China Open Boxing Tournament sa Guiyang China.

Naisantabi nga ng 23-anyos at gold medalist ng Guangzhou Asian Games na si Rey ang mahinang simula nang pumukpok ito sa huling dalawang round tungo sa 15-12 panalo kay Muhammad Wassem ng Pakistan.

Sumabay naman ang 20-anyos na si Victorio sa pagpapasikat ng magkapatid nang kunin ang 20-5 panalo laban kay Ganselem Ariunbold ng Mongolia.

Ang panalong ito ay nagpasok sa mga Saludars sa semifinals upang makatiyak na rin ng bronze medals.

Tatlo na ang tiyak na medalya ng Pilipinas dahil si Analisa Cruz ay nakatiyak na rin ng bronze nang manalo kay Naing Hnin Mo ng Myanmar kamakalawa.

Mabigat naman ang sunod na laban ng tatlo sa puntiryang puwesto sa Finals.

Si Rey ay makikipagtagisan uli sa tinalo niya sa Asian Games na si Chang Yong habang si Victorio ay sasagupa sa Beijing Olympic gold medalist Zhou Shi Ming at si Cruz ay babangga sa Asian Games at World Championships gold medalist Ran Can Can. 

Show comments