PSN 'di nagpahuli sa coverage ng PBA sa kasabayang tabloids, broadsheets

MANILA, Philippines - Nang umusbong ang Ang Pilipino Star Ngayon (PSNGAYON na ngayon) noong Marso 17, 1986, kaagad na itong nakipagsabayan sa mga naunang tabloid at broadsheets kung ang pagkokober ng Philippine Basketball Association (PBA) ang pag-uusapan.

Ang namayapang si Dina Marie Villena ang naging reporter ng PSN sa PBA mula sa paggabay ng unang sports editor nitong si Ricardo Dela Cruz.

Ang pagtawag sa telepono mula kay Dina matapos ang aksyon sa PBA ang siyang humubog sa istorya na siya namang tinipa ni Ric sa kanyang maalamat na ma­kinilya.

Hindi pa nailalabas ang fax machine sa panahong iyon, lalo na ang internet.  

Nasa kanilang pang 12th season, dinomina ng Tan­duay Rhum Masters ang1986 PBA Open Conference at All-Filipino Conference, samantalang ang Ginebra San Miguel ang nagkampeon sa Reinforced Conference.

Ito ang taon kung kailan lumahok ang Alaska matapos ang leave of absence ng Magnolia.

Sa naturang taon kinilala si Ramon Fernandez ng Tanduay bilang Most Valuable Player, habang si Dondon Ampalayo ng Ginebra ang tinanghal na Rookie of the Year at si Ricky Relosa ng Alaska ang nakakuha ng Most Imporoved Player of the Year trophy.

Si Rob Williams ng Tanduay ang ginawaran ng Best Import trophy para sa Reinforced Conference at si Michel Young ng Manila Beer ang kinilala naman sa Open Conference.

Kabilang sa mga miyembro ng First Mythical Team ay sina Fernandez at Freddie Hubalde ng Tanduay, Robert Jaworski (Ginebra), Ricardo Brown at Manny Victorino (Great Taste).

 Nasa Second Mythical Team naman sina Ampalayo, Chito Loyzaga at Terry Saldana (Ginebra), Padim Israel at JB Yango (Tanduay).

Kasama sa All-Defensive Team sina Loyzaga, Israel, Relosa, Philip Cezar (Shell) at Yoyoy Villamin (Manila Beer).

Matapos ang nasabing taon, wala nang tigil sa pagbibigay ng espasyo para sa mga labanan sa PBA ang PSNgayon hanggang sa kasalukuyan kung saan si Beth Repizo-Merañ a na ang sports editor.

Show comments