Mayweather wala ng pag-asa, Pacquiao-Margarito kasado na

MANILA, Philippines - Hindi na maaaring iurong ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang laban ni Manny Pacquiao kay Antonio Margarito sakali mang biglang magbago ang isip ni Floyd Mayweather, Jr.

Sa panayam ng FanHouse.com kahapon, sina­bi ng 78-anyos na si Arum na posibleng maitakda ang Pacquiao-Mayweather megafight sa Mayo ng 2011 kung tuluyan nang makukuha ni Don King ang American six-time world boxing champion sa kanyang promotional outfit.

“It’s too late for the fall. So Pacquiao-Mayweather would be something in the spring. Floyd has not signed officially with King, but when he does, I’m sure that Don will talk to me and we’ll work it out,” ani Arum. “My recommendation is that we do the fight in May, in which case, if Pacquiao is successful in November, that will give us six months to promote the fight.”

Nang hindi pirmahan ng 33-anyos na si Maywea­ther ang ipinadalang fight contract ng Top Rank ay kinuha ni Arum ang 32-anyos na si Margarito para isagupa sa 31-anyos na si Pacquiao sa Nobyembre 13.

Bunga nito, tatargetin ni Pacquiao, ang Congressman ng Sarangani, ang kanyang pang walong korona sa magkakaibang weight divisions.

Pag-aagawan nina Pacquiao, may 51-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, at Margarito (38-6, 27 KOs) ang bakanteng World Boxing Council (WBC) light middleweight title na binakante ni Sergio Martinez.

Ilan sa mga venue na pinagpipilian ni Arum para sa Pacquiao-Margarito fight ay sa Abu Dhabi sa United Arab Emirates, ang Cowboys Stadium sa Arlington, Texas at ang Moterrey sa Mexico.

Nakatakdang kausapin ni Arum si Cowboys Stadium owner Jerry Jones para sa pagbabalik ni Pacquiao sa naturang football arena matapos talunin si Joshua Clottey ng Ghana via unanimous decision noong Marso 14.

Show comments