3 dikit na panalo asam ng JRU kontra UPHDS

MANILA, Philippines - Asam ang kanilang ikatlong sunod na arangkada, katatagpuin ng Jose Rizal University ang University of Perpetual Help-Dalta System sa pagbabalik ng aksyon sa first round ng 86th NCAA basketball tournament saThe Arena sa San Juan City.

Magkikita ang Heavy Bom­bers ni Vergel Meneses at ang Altas ni Boris Aldeguer ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang salpukan ng Mapua Cardinals at Arellano Chiefs sa alas-4.

Kasalukuyang magkasalo sa liderato ang nagdedepensang San Sebastian College-Recoletos at San Beda College sa magkapareho nilang 3-0 rekord kasunod ang College of St. Benilde (1-0), Jose Rizal (2-1), Mapua (1-1), Arellano (1-2), Letran College (1-2), Perpetual (0-3) at EAC (0-3).

Nanggaling ang Heavy Bom­bers sa isang 66-62 panalo kontra Chiefs sa kanilang huling laro na tinampukan ni 6-foot-8 Cameroonian Joe Etame.

“He’s the biggest reason we’re playing well right now,” sabi ni Meneses kay Etame na nagposte ng averages na 13.5 points, 12 rebounds at 1.0 block upang tanghalin siyang NCAA Press Corps’ ACCEL/FilOil Pla­yer of the Week.   

Hindi nakalaro si Etame para sa JRU noong nakaraang taon da­hilan sa kanyang leg injury.

Show comments