SSC, Letran magkakasubukan agad sa pagbubukas ng 86th NCAA ngayon

MANILA, Philippines - Ang mga Knights ni Louie Alas ang unang ma­kakatapat ng nagdedepensang Stags sa pagbubukas ng 86th NCAA men’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.

“I’m sure pinanood na nila ‘yung mga game tapes namin kaya well-adjusted na sila sa gagawin nilang depensa laban sa amin,” ani San Sebastian College-Recoletos head coach Ato Agustin sa Letran College ni Louie Alas.

Nakatakdang magtag­po ang Stags at ang Knights ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang banggaan ng San Beda Red Lions at Jose Rizal University sa alas-4.

Matapos tulungan ang San Sebastian sa paghahari sa 2009 NCAA, iginiya naman ni Agustin ang five-time NCAA champions sa kampeonato ng PBL sa ilalim ng Excelroof, sa CHED National Games at sa Filoil Flying V.

Sa kabila ng pagkawala ni Jimbo Aquino sa line-up, kumpiyansa pa rin si Agustin sa tsansa ng San Sebastian sa 2010 NCAA season.

Muling ipaparada ng Stags sina Calvin Abueva, Pamboy Raymundo, Gilbert Bulawan, Ronald Pascual, Ian Sangalang at Dave Najorda katapat sina Kevin Alas, Jaypee Be­lencion, Jam Cortes, Topher Alas at Ramon Pantin ng Knights.  

Show comments