Pinay cagers ipadadala ng SBP sa Guangzhou Asiad, iwi-witdraw kapag...

MANILA, Philippines - Tiyak na mas mataas at mainit ang ipakikitang paglalaro ng national women’s basketball team sa gagawing SEABA women’s championship sa bansa sa Oktubre.

Binago ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang naunang desisyon sa criteria upang ma­ipadala ang koponan sa Asian Games sa Guang­zhou China matapos pahintulutan na rin ang paglipad patungong China ang koponan kahit pumangalawa lamang sa kompetisyon.

Ang nagdedepensang Thailand at makailang-ulit na kampeon na Malaysia ang mangunguna sa mga kalahok sa SEABA na dapat ay isasagawa nitong Hunyo pero ipinagpaliban sa Oktubre dala ng pagkakaroon ng FIBA-Asia Congress.

“Basta pumasok lamang sila sa finals ay ipadadala na sila sa Asian Games. Ginawa ito bilang insentibo sa kanilang paghihirap sa pagsasanay,” paliwanag ni SBP executive director Noli Eala.

Kung ginto ang napanalunan ng koponan ay tuluyan silang maisasama sa delegasyon pero kung pilak lamang ay maaaring mangailangang maglabas ng karagdagang pondo ang SBP dahil ang POC ay nagpasabi na tanging mga me­dal potential athletes lamang ang isasama sa delegasyon.

Naipatala na ang koponan sa Guangzhou orga­nizers pero iwi-withdraw ng SBP ang pag­lahok ng koponan kung pumangatlo o mas ma­baba pa ang maipapakita ng koponan sa unang SEABA hosting ng bansa.

“Hindi pa tayo nananalo ng SEABA sa wo­men’s kaya nananalig ang SBP na sa pagkaka­taong ito ay makukuha natin ang titulo,” dagdag pa ni Eala na palalakasin ang koponan sa paghugot ng mga Fil-Ams. 

Show comments