Matinding aksyon simula ngayon sa Okada-Juntaphil Cup

MANILA, Philippines - Mag-uunahan ang mga ba­gitong tennis players para sa ranking points sa paghataw ng Okada-Juntaphil Cup ngayon sa Manila Polo Club sa Makati.

Pipilitin ni Tamitha Nguyen, anak ni dating tennis star Edna Olivarez, na makuha ang kanyang ikalawang sunod na korona sa 18-under girls class sa Group 3 event na inihahandog ng Okada Resorts at First Gen Corp. katuwang ang Smart Communications.

Inaasahang makakaharap ni Nguyen sa premier division sina Jasmine Tan Ho, Liz Magaway at Maika Tanpoco.

Pangungunahan naman ni top seed Alberto Villamor at No. 2 Ellison Bingcang ang labanan sa boys’ 18-under, samantalang sina Betto Orendain at Hans Asistio ang babandera sa 16-under class ng torneong inorganisa ng Junior Tennis Association of the Philippines (Juntaphil) at suportado ng Pet One, RCBC, Sole Footbeds, Pepsi/Tropicana at Accel.

Hahataw sa 14-under class sina Andrew Cano at Romnee Joseph sa boys side at sina Maia Balce, Patricia Paez at Krizelle Sampaton sa girls division.

Hangad ni Balce, nabigo sa titulo ng katatapos na First Gen tilt, ang kanyang pangalawang sunod na 12-under class crown kalaban si Nicole Coppersmith, habang sina Mimo Tomacruz at Joel Atienza mamumuno sa boys’ side. 

Show comments