MANILA, Philippines - Kuminang agad ang mga pambato sa duathlon na sina August Benedicto at Monica Torres nang kumabig ng bronze medals sa idinaos na 2010 Mekong River ITU Duathlon World Series na idinaos nitong Sabado sa Nong Khai, Thailand.
Umabot sa 15 bansa ang lumahok sa torneong inorganisa ng Triathlon Association of Thailand at hindi nagpahuli sina Benedicto at Torres upang makasama sa podium finish ang mga bigating dayuhan sa karerang pinaglabanan sa 10k run, 40k bike at 5k run distance.
Si Benedicto ay humataw sa huling 5-k run upang daigin ang number 14 sa mundo na si Takashi Nakata para sa bronze medal sa naitalang kabuuang oras na 1:57:37.
Si Nakata na nakalamang kay Benedicto sa 10k run pero kinapos na sa bike leg ay tumapos sa pang-apat sa 1:59:02 o isang segundong mas mabilis sa isa pang Pinoy na si Carlo Pedregosa (1:59:03).
Ang nanalo sa kalalakihan ay ang number two sa mundo na si Sergey Yakolev ng Russia sa 1:51:14 habang ang pumangalawa ay ang kababayan nitong si Nikolai Sukhoruchenkov.