Pinas nalo sa Norway

HANNOVER - Muling sinandalan ng Philippine Team si Dennis “Robocop” Orcullo upang tumbukin ang 4-2 panalo kontra Norway patungo sa quarterfinal round ng World Team Pool Cup Championship dito sa Hall 13 Hannover Exhibition Grounds.

Tinalo ni Orcullo, ang kampeon sa International Predator 10-ball, si Tommy Wolf, 7-1, sa ikatlo at huling 10-ball competition.

Winalis rin ng Nationals ang 8-ball Scotch Doubles competitions mula sa mga panalo nina WPA 9-ball at WPA 8-ball ruler Ronato Alcano, dating snooker champion Marlon Manalo, two-time BSCP National Pool Championships ruler Lee Van Corteza at Southeast Asian Games gold medalist Warren Kiamco.

Umiskor ang mga Filipino cue artists ng 6-5 at 6-3 tagumpay.

Ang 8-2 paggupo ni Alcano kay Vegar Kristiansen sa 9-ball ang nagbigay sa koponan ng 3-0 sa kanilang race-to-4 affair ng Norway.

Nakalusot naman ng panalo si Malvin Bjelland laban kay Japan-based Antonio “Nickoy” Lining sa 9-ball, habang ginapi ni Mats Schjetne si Corteza sa 10-ball upang makadikit sa 2-3.

Ang tagumpay naman ni Orcullo kay Wolf (7-1) ang tuluyan nang nagtakas sa 4-2 panalo ng RP.

Show comments