MANILA, Philippines - Ang mainit na paghihiganti ang nais isakatuparan ng Philippine Patriots sa kanilang pakikipagtagpo sa Brunei Barracudas sa ikalawang pagkakataon dito sa ASEAN Basketball League sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sa isang pinakamalaking upset na naitala sa six-nation league, pinigil ng Barracudas ang 6 game winning streak ng Patriots, 95-70 noong nakaraang linggo sa Bandar Seri Begawan upang palakasin ang pagpasok sa semifinals.
Papagitna ang Patriots mula sa mahigpitang 76-70 panalo laban sa KL Dragons noong Sabado kung saan nagningning si American import Brandon Powell at kumana ng kabuuang 20 puntos kabilang na ang 13 puntos sa unang bahagi ng labanan.
Sa laban nila sa Barracudas, nakakadismaya ang nilaro ni Powell kung saan tatlong puntos lamang ang kanyang kinamada.
Sasandalan din ng Patriots ang 6’10 na American import na si Jason Dixon, na kumana ng 15 puntos at 15 rebounds para sa kanyang ikaanim na double-double performance kasama ang mga locals na sina Jaypee Alcaraz, Warren Ybañez, Froilan Baguion at Nonoy Baclao.
Ang laban ngayon ay ang naantalang laban noong Oktubre 31 kung saan kinansela bunga naman ng Bagyong ‘Santi’.