Tanamor wagi; susuntok sa gold medal bout

VIENTIANE – Isa pang Pinoy boxer ang umakyat sa finals upang pagandahin ang kampanya ng mga Pinoy boxers sa 25th Southeast Asian Games boxing competition sa Olympasia Gymnasium sa malawak na National University.

Umusad sa gold medal bout ang two-time Olympian na si Harry Tanamor makaraang bugbugin si Htet Aung ng Myanmar, 12-4 sa kanilang suntukan sa semifinals ng ligh-flyweight division kahapon.

Idinikta ang tempo, sinayawan lamang ng 31 anyos na si Tanamor ang kalaban at hindi binigyan ng pagkakataong makaisa ang kalaban.

Sa unang round pa lamang, ipinakita na ni Tanamor ang kanyang dominasyon ng agad kunin ang 5-1 bentahe na sinundan ng 9-3 sa second round tungo sa tagumpay.

“Tsamba lang, boss,” pakumbabang wika ni Tanamor. “Maganda lang yung naging simula ko. Tamang tama itong preparasyon para sa gold.”

Gayunpaman, hindi magiging madali para kay Tanamor ang pagsuntok sa gold kung saan nakaharang sa kanyang daan ang Thai na si Kaeo Pongrayoon.

Ang beteranong boksingero na mula sa Zamboanga City at kumatawan sa bansa sa 2004 Athens Olympics at 2008 Beijing Olympics ang ikalawang miyembro ng RP boxing team na umabot sa finals kasunod ni Josei Gabuco sa women’s 46 kgs.

Inaasahang masusundan pa ikto sa pag-akyat sa ring nina Asian champion Annie Albania, Alice Kate Aparri at Mitchel Martinez na makakalaban ang iba’t ibang Thais sa women’s semis.

Makakalaban ni Aparri si Dueannapha Ngalam sa light-fly, Albania kontra kay Sopida Satumrum sa flyweight at magdedebut naman si Martinez laban kay Peanwi. (DMVIllena)

Show comments