Dagdag na atleta dapat pondohan ng kanilang NSA

MANILA, Philippines - Matapos ihayag na kaya nilang pondohan ang idinagdag na 98 national athletes para sa 25th Southeast Asian Games, nagbago ng kanilang tono ang Philippine Olympic Committee (POC).

Sa panayam ng DZSR Sports Radio kahapon, sinabi ni track and field association chief Go Teng Kok, tumatayong special assistant kay POC president Jose "Peping" Cojuangco, Jr., na ang ilan sa naturang mga atleta ay dapat suportahan ng kani-kanilang mga National Sports Assocations (NSA).

Ayon kay Go, ang mga atletang pumasa sa inilatag na kriterya ng POC Screening Committee lamang ang mabibigyan ng suporta.

"Those who did not pass the criteria, I suggested to have a token delegation only," wika ni Go. "So it was a very clear agreement with the NSAs."

Matatandaang pumili si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping ng 153 national athletes na kanilang popondohan para sa 2009 Laos SEA Games.

Bunga ng sinasabing hindi pagkuha ng kanilang opinyon, nagdagdag naman si Cojuangco ng 98 atleta na ipinangako niyang tutulungang makakalahok sa naturang biennial event.

"Sa mga hindi nakapasa sa criteria, sila na ang bahalang maghanap ng sarili nilang pondo. Token delegation lang at hindi puwede 'yung buong team nila," wika ni Go.

Hanggang ngayon ay wala pang katiyakan kung kailan ang biyahe ng 98 atletang susuportahan ng POC para sa 2009 Laos SEA Games na nakatakda sa Disyembre 9-18. (Russell Cadayona)

Show comments