UAAP women's at juniors cagefest finals sa Sabado na

MANILA, Philippines - Bunga ng trahedyang dinulot ng bagyong Ondoy, napagpasyahan ng University Athletic Association of the Philippines kahapon na ikansela ang mga nakatakdang laban at ituloy na lamang ang series opener ng juniors at women’s finals sa Sabado sa Filoil Flying V Arena, San Juan City.

Sa ikalawang pagkakataon, inurong ang Game1 ng high school championship sa pagitan ng defending champion Ateneo at La Salle-Zobel at ang women’s finals opener sa pagitan ng titleholder Far Eastern University at Adamson.

Napagdesisyunang ipagpaliban ang doubleheader game noong Sabado dahil sa pag-hagupit ng bagyo sa buong Metro Manila na nagresulta ng pagbaha sa buong lugar.

Kinansela kamakalawa ang Game 1 ng seniors finals sa pagitan ng reigning titlist Ateneo at University of the East, kung saan ang opener ay lalaruin na sa Huwebes sa Araneta Coliseum.

Samantala, inusod naman ang iskedyul ng huling dalawang araw ng table tennis competiion sa Huwebes at Biyernes sa Blue Eagles Gym.

Bagaman natuloy ang table tennis matches noong Sabado, kinansela na rin ito nang hindi makarating ang manlalaro ng Ateneo na nastranded bunga ng malaking baha sa Katipunan Ave. (Sarie Nerine Francisco)

Show comments