Bata, Django wagi

DAVAO CITY , Philippines   – Iginupo nina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante ang kani-kanilang ‘di kilalang kalaban upang makausad sa round-of-16 at manatiling buhay ang pag-asa sa The Manny Villar Cup Kadayawan Leg na ginaganap sa Activity Center ng NCCC Mall dito.

Tinuruan ni Reyes si Manila qualifier Ruben Cuna, matapos umiskor ng 9-2 pananalasa upang makalapit sa puntiryang titulo sa prestihiyosong island-hopping series na hatid ng Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippines Sports ni Senator Manny Villar.

Ginamit naman ni Bustamante ang kanyang malawak na karanasan upang igupo ang local bet na si Roberto Bermejo, 9-4, upang manatiling buhay ang pag-asa sa inaasam na ikalawang Villar Cup plum matapos ang panalo sa Baguio-Panagbenga leg noong February.

Susunod na kalaban ni Reyes ay si Carlo Biado, ang rising star mula sa La Union, na tumalo kay Jech Limen, 9-6, sa kanilang first round encounter.

Ang isa pang promising talent na si Egie Geronimo ay nakalusot kay veteran Godofredo Ducanes, 9-8.

Nanalo din sina Bulacan leg champion Ramil Gallego kay Davao bet Christopher Alalunay, 9-3; Ricky Zerna kay Benjie Guevarra, 9-5; Ronnie Alcano kay Joven Bustamante, 9-7; Kiamco kay Ben Hasmer Kusain, 9-5; Calabarzon leg titlist Lee Van Corteza kay Danny Otacan, 9-5; at Jomar de Ocampo kay William Millares, 9-6.


Show comments