Orcollo nasorpresa

MANILA, Philippines – Inirehistro ng di gaanong kilala na si Francisco Felicilda ang panalo laban sa defending champion na si Dennis Orcollo, 9-7 habang pinayuko nina Marlon Manalo at Antonio Gabica ang kani-kanilang kalaban sa panimula ng 2009 Qatar International 9-ball Pool Championship sa Qatar Billiards and Snooker Federation sa Doha, Qatar.

Tinalo ni Gabica ang kababayang si Elvis Calasang, 9-2, at tinalo ni Manalo si Jeong Young Hwa ng Korea, 9-3.

Nanaig din sa kanilang laban sina 2008 World Ten Ball Championships semi-finalist Demosthenes Pulpul nang payukurin nito si Kenny Kwik ng Hongkong, 9-0, Joven Alba namayani kay Mariusz Skoneczny ng Poland, 9-1, Raymund Faraon, na nanaig kay Petroni, 9-6, at Venancio Tanio, na pinabagsak si Serge Das ng Belgium, 9-3.

Dinurog ng Japanese na si Naoyuki Ooi si Joyme Vicente, 9-4, nanaig si Imran Majid ng Great Britain kay Valerino Pajuay, 9-8, at pinaluhod ni Kuo Po Cheng ng Chinese-Taipei si Jeffrey De Luna, 9-7.


Show comments